Abstrak
Akting a la Vilma
(Paghahabi ng Estetika ng Pagganap sa Ilang Piling Pelikula ni Vilma Santos)
Ni G. Eduardo J. Piano
UP Film Institute
Hindi unibersal ang estetika. Subalit ang bawat lahi ay puwedeng bumuo ng kanyang sariling estetika. Ganuon din sa larangan ng pagganap sa pelikula. Susubukan ng papel na ito na ihabi at sa kalauna’y humugot at bumuo ng konkretong “Pinoy na Estetika ng Akting sa Pelikula” sa pamamagitan ng pag-aanalisa sa ilang piling pagganap ni Vilma Santos sa pinilakang tabing.
Sa Pelikulang Pilipino si Vilma Santos ang may pinakamaraming parangal na natanggap pagdating sa akting. Mahigit sa 50 tropeo na ang napanalunan niya mula sa iba’t-ibang grupo, malaki man o maliit, na kumikilala sa mga natatanging obrang pampelikula taun-taon. Kabilang sa natanggap niyang pagkilala ang prestiheyosong Gawad Plaridel 2005 na iginawad ng Koleheyo ng Pangmadlang Komunikasyon ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Siyam na taon pa lamang siya nang magsimulang umarte sa malaking telon. Agad na gumanap bilang pangunahing tauhan sa pelikulang Trudis Liit noong 1963. Sa 43 taon niya sa industriya ng Pelikulang Pilipino, nakagawa na si Bb. Santos ng 195 pelikula, humigit-kumulang na 90 porsiyento rito ay siya ang bida. Kilala sa kanyang versatilidad, nagampanan na ni Bb. Santos ang halos lahat ng uri ng karakter na pwedeng maimbento ng isang screenwriter. Ang kanyang mahabang karanasan sa pagganap ng samu’t saring papel sa pelikula at telebisyon ay nangangailang na ngayon ng malalimang pag-aaral sa disiplina ng pelikula.
Tutukuyin ng papel ang mga batayan sa pagbubuo ng estetika ng pagganap. Gagamitin sa pagtukoy nito ang mga sumusunod na pelikula na pinagbidahan ni Vilma Santos: Ging(1964), Batya’t Palu-Palo (1974), Tag-ulan sa Tag-araw (1975), Dalawang Pugad, Isang Ibon (1977), Ikaw ay Akin (1978), Broken Marriage (1983), Alyas Baby Tsina (1984), Tagos ng Dugo (1987) Hahamakin Lahat (1990), Dahil Mahal Kita: Dolzura Cortez Story (1993),Bata, Bata…Paano Ka Ginawa (1998), Anak (2000), at Dekada ’70 (2002). Ang papel na ginampanan ni Vilma bilang Daisy Hernandez sa Regalo (2006), isang espesyal na episode ng Maalaala Mo Kaya sa telebisyon ay tatangkain din suriin dahil sa bukod sa ito ang pinakahuling obra ni Bb. Santos, dito ay nagpakita siya ng kakaibang level of maturity pagdating sa akting.
Pagtutuunan din ng pansin ang ilang unibersal na mga teoriya sa akting na umakma din naman siyempre pa sa klase ng pagganap ni Bb. Santos.
(Si Prof. Eduardo J. Piano, ay kabilang sa faculty ng UP Film Institute. Sa katatapos na World Theater Congress at World Festival of Drama Schools nitong nakaraang Mayo, siya ang nagsilbing interpreter at assistant ni Prof. Andrei Andreev ng St. Petersburgh Theater Academy sa workshop nito sa Manila at Cagayan de Oro. Si Prof. Piano rin ang sumulat at nagsalin sa Filipino ng mga libro sa akting ni Eric Morris sa pagtatalaga ng Actors’ Workshop Foundation. Napabilang din siya sa acting technique workshop ni Pico Berkovitch sa CCP noong 1997. Nakatapos si Prof. Piano ng MFA in Film and Television Direction mula sa prestiheyosong Moscow National Film Institute (VGIK) sa Russia. Nakakuha rin ng 18 units si Prof. Piano sa PhD sa Filipino-Malikhaing Pagsulat sa Koleheyo ng Arte at Literatura sa UP Diliman).
Akting a la Vilma: Paghahabi ng Estetika ng Pagganap sa Ilang Piling Pelikula ni Vilma Santos
Ni Prof. Eduardo J. Piano
UP Film Institute
Magandang umaga at maraming salamat sa inyong pagdalo.
Upang ilagay sa tamang kontexto, hayaan niyo munang liwanagin ko ang kahulugan ng ilang terminong gagamitin sa aking papel. Sumangguni ako sa UP Diksiyonaryong Filipino sa pag-aalam ng kahulugan sa mga sumusunod:
- Estetika
Sangay ng pilosopiya na nagbubuo ng simulain at pamantayan ng kagandahan sa sining at kalikasan.
2. Ideolohiya
Kalipunan ng mga paniniwala, saloobin, at konsepto na nagtatakda at nagpapadaloy sa direksiyon ng pag-iisip ng mga kasapi ng isang pangkat.
3. Teorya
Isang paglagay o sistema ng mga ideyang nagpapaliwanag sa ilang bagay, lalo na nakabatay sa pangkalahatang mga prinsipyo at hindi nakasalig sa mga partikular na bagay.
4. Sining
Kalidad, produksiyon, o ekspresyon ng anumang maganda, kaakit-akit, at may kahalagahan higit sa karaniwan alinsunod sa mga prinsipyong estetiko.
Sa kabuuan ng papel ay ilang beses na lilitaw ang mga salitang naturan kaya minabuti kong agaran itong bigyan ng kahulugan nang sa gayo’y maiwasan ang kalituhan.
Hindi katulad ng teorya, ang estetika ay hindi unibersal. Puwedeng kung ano ang maganda sa mga Filipino, ay hindi naman tinitingnan na maganda ng mga Amerikano; puwede ring baliktad: ang maganda sa Amerikano, ay wala naman dating para sa mga Filipino. May kanya-kanyang estetika ang bawat lahi. Ang Epiko at Kuwentong Bayan ng mga Manobo, halimbawa, ay ISANG ESTETIKA para sa partikular na pangkat na iyon ng mga katutubo. Kung pagtitiyagaan lang pag-aralan ng nakararaming Pinoy ang sining na ito ng mga Manobo ay natitiyak kong magdudulot ito ng kasiyahan at maaari pa ngang pagkahumaling sa kanilang mga epiko at kuwentong bayan. At kung ang mga tagapakinig o mga tagapanuod ay natuwa o nasiyahan at nahumaling sa gayong palabas, ibig sabihin nito’y meron na tayong pag-uusapang estetika rito. Sa pagbuo ng estetika ng mga Manobo, malaking papel ang ginagampanan ng mga tinatawag na epic chanter o raconteur, ng kanilang mga kuwento hinggil sa pakikipagsapalaran, halimbawa ni Pilanduk, ang mapanlinlang subalit nakatutuwang karakter sa kanilang mga kuwentong Pabigkas. Kung ang mga Tagalog ay may Pusong, ang mga Manobo ay may Pilanduk. Subalit sa paghugot ng estetika sa ganitong uri ng palabas ng mga Manobo (na ang ibig sabihin pala ng salitang manobo ay tao; ang mga Espanyol ang may kagagawan kung bakit ang dating small letter m sa salitang manobo, tao, ay naging capital letter M, Manobo, isang pangkat katutubo sa North Cotabato.) Kung bakit napasok ang kuwento ni Pilanduk sa pag-aaral ng estetika ng pagganap ni Vilma Santos ay siya nating babalikan maya-maya.
Ang bawat estetika ay may kaakibat na ideolohiya. Ang isa sa ideolohiya ng Epiko ng mga Manobo ay ang kanilang mataimtim na pagsunod sa bawat ipinag-uutos ng kanilang Datu, na kadalasan ang pinaghahanguan ng kautusan nito ay nanggagaling mismo sa karanasan at karunungan ng mga hayop tulad ng usa, bayawak, pagong, buwaya, paruparo, at iba pa.
Matikas ang dating ng salitang teorya. Pinagpunyagian ng mga tinatawag na intelektuwal, utak akademya, kadalasang nakasandal sa mga imperikal na mga datus. Karamihan sa mga intelektuwal na ito ay galing sa malalaking bansa sa kanluran. Tinitingala sila, ipinagmamalaki, ginagaya ng mga kapwa intelektuwal mula sa “maliliit” na bansa. Kaya itinuturing na unibersal ang teorya, hindi man tuwinang kailangan subalit puwedeng gamitin ninuman, saanman, at kailanman. At ganyan din ang mga teoriya sa pagganap.
Samantala, bakit ba ang pagganap ni Vilma Santos, sa dinami-dami ng mahuhusay nating aktres dito sa Pilipinas, ang napili ko upang pagbasehan ng aking papel ngayong umaga. Unang-una, sa lahat ng magagaling na aktres na ito si Bb. Santos ang may pinakamaraming tropeo ng parangal pagdating sa larangan ng akting, magmula pa ng mag-umpisa ang Industriya ng Pelikula sa bansa hanggang sa kasalukuyang panahon. Mahigit sa 50 tropeo na ang natanggap niya mula sa iba’t-ibang award-giving bodies, malaki man o maliit. Ikalawa, dahil sa tagal ng kanyang karanasan sa larangang ito, sa aking palagay, ay nangangailangan na itong bigyang ng sapat na pag-aaral ng mga film scholar. Siyam na taon siya ng sumabak sa akting sa pelikula, at di lang basta pagsabak, nagbida agad, ika nga. At sa isang tearjearker o melodrama pa, isang genre sa pelikula na nangangailang pumiga sa kakayahan sa pagganap ng mga artista rito. Ang pelikula ayTrudis Liit noong 1963. Makalipas ang 43 taon, si Bb. Santos ay nakagawa na ng 195 pelikula, humigit-kumulang 90% sa mga pelikulang ito ay siya mismo ang pangunahing tauhan. Dahil sa kanyang kakayahan na gampanan ang halos lahat ng uri ng papel sa pelikula, isang malaking hamon na ngayon sa mga screenwriter na gawan/imbentuhan ng karakter na hindi pa nagagampanan ni Vilma Santos. Tingnan ang listahan ng ilan lamang sa mga uri ng tauhan na isinabuhay niya na sa pelikula (hold your breath): batang ulilang api-apihan, pasaway na batang singer, pa sweet na dalagitang ligawin, katulong, babaeng lumulunok ng bato at lumilipad sa himpapawid, sirena, kubang kampanera, nangangarate, nangangabayo, nakamaskarang tagapagtanggol ng mahihirap, kambal na may tililing sa ulo, babaeng death convict, kinalbo, at sinelya elektrika, tsismosang tindera sa palengke, mayamang pasaway, mahirap na ambisyosa, prinsesa, kerengkeng na social misfit, dalagang disco queen, reynang walang trono, hostess, tomboy, model, biktima ng rape, kerida, martir, batang babaeng pumatol sa matanda, matandang babaeng pumatol sa bata, may asawang pumatol sa ibang lalaki, Iskimador, bulag na naghiganti, bank robber, aktibistang madre, taong labas, Inang ofw, babaeng namatay sa aids, sa cancer, at sa panganganak, lawyer, asawa ng mayor, inang may anak na blue baby, autistic, at may cerebral palsy, etc., etc.
Ikatlo, at sa tingin ko ay higit na mahalaga, ay ang tinatawag na karisma ni Bb. Santos sa kanyang audience, partikular na sa kanyang mga “fans.” Ang awdyens o ang mga nanunuod ay malaking aspeto ng pagbuo ng estetika. Katulad ng mga epiko at kuwentong bayan ng mga manobo na kung saan ang mga manunuod ay diretso at tahasang nagpapahayag ng kanilang reaksiyon sa takbo ng kuwento ng epic chanter. Ang reaksiyon ng kanyang manunuod ang dahilan kung bakit may mga pagkakataon na pinapalitan o biglang tatalon o iibahin ng raconteur ang kanyang kuwento. Kung gayon, ang kabuuang estetika ng epiko ng mga manobo ay nakasalalay hindi lang sa mismong kuwento, kundi kung paano nagpe-perform and epic chanter, at kung paano mag-react ang awdyens sa kuwento at pagkukuwento ng Manobong Pusong.
Ang ganitong proseso ng pagbuo ng sariling estetika ng mga Manobo ay puwede ring gawin o ihalintulad sa larangan ng pelikula. Sa pelikula, sinusundan ng awdyens ang takbo ng kuwento, sa pamamagitan ng pagganap ng mga aktor/performer (sila ang kumakatawan sa epic chanter/raconteur), at nagre-react din ang awdyens sa kanilang pinapanuod na pelikula, sa takbo ng kuwento at sa uri ng pagganap ng mga aktor. Danga’t walang aktuwal at diretsahang koneksiyon ang aktor at awdyens, dito na pumapasok ang mas masalimuot na proseso ng paghugot ng estetika sa pelikula. Isinasaalang-alang dito hindi lang ang kuwento, ang pagganap ng aktor, at reaksiyon ng awdyens. Kundi, sa pagitan ng pagganap ng aktor at reaksiyon ng awdyens ay ang papel na ginagampanan ng scriptwriter, ng prodyuser, at ng mismong aktor sa labas ng kanyang pagganap.
Upang hindi tuluyang maging masalimuot ang gusto kong puntuhin dito, kunin nating halimbawa ang isang partikular na pelikula ni Bb. Santos. Ang pelikulang Ging, ginawa sampung taon pa lamang ang aktres noong 1964. Si Ging ay isang listang bata na para matulungan ang kanyang inang lumpo ay nanglilimos ng pera’t pagkain sa restawran ng isang masungit na intsik (ipagpaumanhin pero ito ang mas kilalang katawagan noon sa mga kaibigan nating Chinoy). Ginagamit ng batang si Ging ang kanyang kakayahan sa pag-awit upang makaakit ng maglilimos sa kanya. Wagi naman ang dramang ito ni Ging. Hanggang minsan ay may mag-asawang nakadiskubre sa talento ni Ging. Nilinlang nila ang ina ng bata upang pumayag ito na ampunin ang kanyang anak ng mag-asawa. Pinagkakitaan ng mag-asawa ang angking talento ni Ging. Naging isang sikat na singer sa entablado si Ging. Samantalang ang pangako ng mag-asawa na ipagagamot ang ina ni Ging ay pangakong napako. Maging ang pag-aaral ng bata na ipinangako ng mag-asawa sa ina nito ay hindi rin nagkaroon ng katuparan. At hindi halos pinapakain si Ging. Kapag lumaki nga naman ang bata ay baka mawala ang pagkagiliw dito ng kanyang mga manunuod at mawalan ang mag-asawa ng pinagkakakitaan (temang ginamit na ni Anton Chekov sa isang maikling kwentong isinuat niya). Nang madiskubre ni Ging ang panlilinlang ng mag-asawa sa inang hindi ipinagamot, naghimutok ang bata at gumanti. Panuorin ninyo kung paano ito gumanti… (film clip mula sa pelikulang “Ging” na kung saan hinahambalos ni Ging ng baseball bat ang kontrabida)
Ang Estetika ng Akting
Ngayon ay subukin natin hugutin ang estetika ng pagganap ng batang si Santos sa pelikulang ito. Alalahaning 1964 ang pelikula, matindi pang magreact ang masa sa kanilang napapanuod noon sa loob ng madilim, malawak na sinehan. Halimbawa, yaong eksenang pinagpapalo ni Ging ang kontrabidang babae ng baseball bat, ay ini-imagine ko na matindi ang hiyawan at palakpakan sa loob ng sinehan. “Sige pa, paluin mo pa!”, “Tama yan, hatawin mo nang hatawin, pinahirapan ka nyan!” “Ganyan nga Ging, gumanti ka!” Ang epektibo at walang pretensiyon na pagganap ng batang si Vilma sa papel na Ging na sinamahan nang apektadong emosyon ng awdyens sa loob ng sinehan ay may malaking sinasabi sa usaping estetika. Natuwa at nag-react ng maganda ang awdyens sa takbo ng kuwento at sa pagganap ng bida. Umuwi and awdyens na may ngiti sa kanilang mga labi, masayang ipinamalita ang napanuod na dahil sa pagkukuwento ng nakapanuod ay maienganyong manuod ang kinuwentuhan. Word of mouth, ika nga. Patok sa takilya ang ang pelikula. Ngayon, sino ang puwedeng makapagsabi na walang nabuong estetika sa prosesong ito?
Ang ilang high-brow na film critics at ilang kaibigan natin sa academe, ay maaari ngang magtanong: “Ano bang estetika ang nabuo diyan? May pinagbatayan bang mga pamantayan sa kung ano talaga ang mahusay na pagganap? Ni hindi nga magandang tingnan na ang isang bata ay makitang lumalaban sa matanda. Paano na ang moral values?
Dito na natin balikan si Pilanduk, ang bida-kontrabida sa epiko ng mga Manobo. Si Pilandok ay isang dakilang sinungaling. Siya ay isang artful liar. Marami siyang kabalastugang pinaggagawa. Sa kabila ng lahat ang awdyens ay tuwang-tuwa pa rin sa kuwento ni Pilanduk. Hindi sila nagagalit o naaasiwa man lang sa ganitong karakter. Mas nanaisin nila na magsinungaling at mag-imbento ng kung anu-anong kuwento si Pilandok upang maging “makulay” ang kanilang mga buhay, kesa nga naman manahimik ito sa isang sulok at palipasin ang araw na walang nangyayari.
Nakita ko si Pilanduk kay Ging. Pasaway pero cute kaya hindi inis sa kanya ang awdyens. Hindi ka hahanap ng moral values sa karakter ni Ging, bagaman at meron naman ito sa pelikula. Ang mahalaga ay ang pagkagiliw dito ng awdyens, pagkagiliw na tagos sa puso’t isip. Sa ganitong sitwasyon nga, uulitin ko nabubuo ang estetika.
Isinasakontexto ang Pagganap
Hindi rin pag-uusapan sa puntong ito ang pamantayan ng pagganap. Kasi nga naman kung ipipilit dito ang mga pamantayan nila Konstantin Stanislavsky, Lee Strasberg, at Eric Morris, ay hindi lang ito magmumukhang pilit kundi magiging katawa-tawa pa. Paano nga naman kasi huhugot mula sa kanyang mga karanasan ang isang 10 taong gulang na batang babae na gusto lang umarte. Pahihirapan mo pa ba ito sa isang sense memory exercise? Kaya kung sumigaw man si Eric Moriss ng “No Acting Please!” para sa sampung taong gulang na si Vilma mas mabuti na ang “umarte” Subalit hindi porke mahusay kang umiyak sa isang partikular na eksena o angat ang pagtataray mo sa isa pang eksena ay puwede ka nang tawaging mahusay na aktres. Sa paghahabi ng estetika ng pagganap, mahalaga, bago ang lahat, na isakontexto ang pagsasabuhay sa isang karakter. Kailangan ay tuwinang umaakma ito sa marahang daloy ng kuwento, dapat na may rasyunal ang mga galaw, may lohika ang desisyon ng karakter, at sa katotohanan lamang pumapanig ang nagsasabuhay ng isang katauhan. Ang katotohanang sinasabi ko rito ay kung paano totoong kumilos/gumalaw, magsalita, sumigaw, magalit, mag-isip, tumunganga, mangusap ang mga mata, manginig ang labi at baba, mag-rationalize, at iba pa ang isang karakter. At ang katotohanang ito ang kukuryente sa audience. Ang puso at isip ng awdyens ang tanging makapagsasabi kung nagampanan ng mahusay ang karakter na isinabuhay ng aktor. Sa kanila manggagaling ang desisyon at hindi sa kung sinumang kritiko na nagdidikta kung ano ang mahusay at di mahusay na pagganap.
Hindi ibig sabihn nito na binabalewala ko ang teorya ni Konstantin Stanislavsky. Kabaliktaran. Ang nabanggit ko sa itaas ay tumulong pa nga sa mga nasipi ko hinggil sa Sistemang Stanislavsky. Gusto kung ibahagi ito sa inyo ang mga sumusunod na sipi na isinulat ng isang kaibigan at tagasunod ng Stanislavsky Method:
“Stanislavsky’s system does not include standards of creativity. It requires a unity of form and content, but prescribes no canons in the realm of artistic experimentation. It is based not on aesthetic code, but on the objective laws of the creative art and the organic nature of the actor… Organic nature and the laws of its development are the same for all people and all trends… and in this regard, Stanislavsky said, we are all close and related to one another.”
“His system is the work of an explorer and naturalist. It was the first to solve the problem of consciously mastering the subconscious, involuntary process of creative work on the stage, and to examine the organic transformation of the actor into a character. The system is not a substitute for creativity, but establishes more favorable conditions for it. It lives in the abilities and talent of the actor.”
“His system is amazingly simple, while being inconceivably complex. Those who love and know life understand it. Those who are talented can master it. Those who are able to understand man will understand Stanislavsky.”
“Its purpose was to help the actor embody on the stage the life of the human spirit…”
Georgi Tovstonogov
People’s Artist of the former USSR
Hindi lang sa pelikulang Ging umubra ang mga ipinunto ko sa itaas. Kung susuriin naging kapareho rin ang mga proseso ng paghugot ng estetika sa marami pang pelikula ni Bb. Santos, partikular na ang Dalawang Pugad, Isang Ibon na ginawa ng isang auteur na si Ishmael Bernal noong 1977, at ng Bata, Bata… Paano ka Ginawa? Ni Chito Rono noong 1998.
Sa pagkokontexto ng estetika ng pagganap, importante para sa awdyens ang istruktura ng naratibo. Sa mahabang panahon ng panunuod ko ng mga pelikula ni Vilma Santos, may walong pormula akong nabuo na kung tutuusin, lahat ng kanyang pelikula ay pupuwedeng ikahon dito. Nagkakaruon ng kabuluhan ang uri ng pagganap ng isang aktor kung nailalagay ito sa tamang kontexto gamit ang naratibo at reaktion dito ng awdyens.
Ang pormula ng naratibo sa mga pelikula ni VS
1 Api-apihan + Kakampihan ng Tadhana = Hapi Ending (hal. Trudis Liit, Kampanerang Kuba)
2 Api-apinan/Sunod-sunuran + Lalaban/Magpapasaway + Matatauhan/Hihingi ng tawad = Happy Ending (hal. Paano Ba Ang Mangarap?, Kapag Langit ang Humatol, Aida Macaraeg: Case No. 7892)
3 Sunod-sunuran + Magpapasaway-Makikipagmatigasan-Maninindigan = Nakabitin na Ending (hal. Sister Stella L., Broken Marriage, Bata, Bata…Paano ka Ginawa, Dekada ’70)
4 Pasaway + Aapihin + Gaganti = Hapi Ending (hal. Ging, Rubia Servios, Ikaw Lang, Sinungaling Mong Puso)
5 Pasaway + Matatauhan-Magsisisi-Haharap sa Problema + realisasyon = Bitin ang Ending (hal. Sinasamba Kita, Hahamakin Lahat, Tagos Ng Dugo, Batya’t Palu-palo)
6 Pasaway + Aapihin + lalaban + maninindigan = Hapi Ending (hal. Alyas Baby Tsina)
7 Pasaway + makikipagmatigasan-Lalaban = Trahedya (hal. Susan Kelly Edad 20, Burlesk Queen, Mahal Kita: Dolzura Cortez Story, Pagputi ng Uwak, Pag-itim ng Tagak)
8 Pasaway + makikipagmatigasan-Maninindigan = Nakabitin na Ending (hal. Tag-ulan sa Tag-araw, Dalawang Pugad, Isang Ibon, Ikaw ay Akin, Relasyon, Pahiram ng Isang Umaga)
Patuloy na pagbuo ng Estetika ng Pagganap
Apatnapu’t tatlong taon nang hinuhulma ni Vilma Santos ang kanyang uri ng pagganap. Sa kanyang mga pelikula ay nakita natin ang pagpupunyagi na payabungin pa ang kanyang kakayahan sa larangang ito. Kanina ay nakita natin siya sa Ging, panuorin natin ngayon kung paano na nag-evolve sa kanyang pagganap si Vilma Santos… (video clip mula sa “Regalo” episode ng Maala-ala Mo Kaya)
Nais kong tapusin ang aking lektyur sa isang sipi ng mga salitang binitiwan ng National Artist for Film na si Lino Brocka sa pamamagitan ng interbyu sa kanya ng isang pang National Artist noong 1990. Tandaang 1990 pa ito, isang dekada at anim na taon na ang nakalilipas. Sa panahong ito hindi tinantanan ni Vilma Santos ang paghuhulma sa kanyang craft. Katunayan nga ito ng mga huling eksenang napanuod niyo.
“…she has matured and grown up as an actress. At this point of her career, she is very good, she is really big. Before, she had a hard time making herself cry, but now how fast she can do it. And she has become sensitive to direction: in that respect she has overtaken Nora…
“So I assumed that, as an actress, she was really just second to Nora. But Vilma takes good care of herself not only physically – there’s always this aura about her – but intellectually too: so she grows and develops tremendously. The second time I worked with her, in Adultery, I realized she had become as good as Nora, or better. And by the time of Hahamakin Lahat there was the complete sensibility already – a difference in the way she expressed pain and hurt. Talent was welling out like spring water, and flowing from her most naturally, no longer courtesy of Vicks or whatever.”
Lino Brocka
(Mula sa isang interbyu ni Nick Joaquin)
Maraming salamat. At magandang umaga muli sa inyong lahat.
SANGGUNIAN
Wrigglesworth, Hazel J. at Ampatuan Ampalid. The Song from the Mango Tree. Manila: Linguistics Society of the Philippines, 2004.
Levine, George, ed. Aesthetics And Ideology
Konstantin Stanislavsky Selected Works. Compiled by Oksana Korneva. Moscow: Raduga Publishers, 1984.
Morris, Eric and Joan Hotchkis. No Acting Please: Beyond the Method, A Revolutionary Approach to Acting and Living. NY: Perigee Books, 1977
Morris, Eric. Being and Doing: A workbook for Actors. NY: Perigee Books, 1981
The Philippines’ Movie Queen for All Seasons. Special edition magazine. VSSI, Inc., 2005
No comments:
Post a Comment